105 na OFW na Biktima ng Pagmamaltrato sa Abu Dhabi, Nakauwi Na

Willard Cheng, ABS-CBN News
MANILA – Hindi bababa sa 105 na overseas Filipino workers mula sa Abu Dhabi na naging biktima ng illegal recruitment at pagmamaltrato ng employer ang nakabalik na sa Pilipinas, Miyerkoles.
Ayon sa mga opisyal ng Department of Foreign Affairs, makakatanggap ng cash at livelihood assistance ang mga napauwing OFW bilang bahagi ng reintegration program ng kagawaran.
Isa si Joan Masa sa mga nabiktima ng illegal recruiter na nagpapadala ng mga Pinoy na manggagawa sa UAE.
Ayon kay Masa, minabuti na lamang niyang tumakas mila sa kanyang mga amo sa Abu Dhabi dahil sa naranasang pangmamaltrato.
“Overworked po talaga, wala po kaming rest day. Gigising nang alas otso (ng umaga), ang tulog 5 o 6 (ng umaga). Walang pahinga kahit pag-ihi bawal po. Ang pagkain po namin limited lang po. Kung ano ang tira nila yun lang kakainin namin,” saad ni Masa.
Dagdag ni Masa, hindi rin binibigay ng kaniyang amo ang sahod niya.
Saad ni Masa, nagsilbing aral ang kanyaang karanasan para hindi magtiwala sa mga ilegal na pamamaraan upang makapagtrabaho sa labas ng bansa.
Ayon kay Hans Leo Cacdac, hepe ng Overseas Workers Welfare Administration, ido-document ang mga kuwento ng OFWs para matunton din ang mga illegal recruiters na nambiktima sa kanila.
Paalala ng mga opisyal mula sa OWWA at DFA sa mga balak matrabaho abroad, dumaan sa tama at ligal na proseso sa pamamagitan ng Philippine Overseas Employment Administration.
(Source: ABS-CBN.com)