ALAMIN: Mga Trabahong Patok sa Ibang Bansa

Image Caption: A Filipino couple embrace at the NAIA departure area in this file photo. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

 

MAYNILA — Ikaw ba ay naghahanap ng trabaho? Narito ang ilan sa mga trabahong maaring pasukan sa ibang bansa.

Sa panayam sa DZMM Teleradyo, ibinahagi ni Joyce Sanchez, deputy administrator ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), na nangangailangan ang ilang mga bansa ng mga manggagawang Pilipino sa ilalim ng government-to-government hiring program.

Nangangailangan ang Taiwan ng 50 babaeng factory worker habang ang bansang Japan naman ay nangangailangan ng 600 na care workers at 150 na nurses.

May pangangailangan naman ang Saudi Arabia ng 500 na babaeng nurse at 200 dental assistant.

Ayon kay Sanchez, madali at ligtas ang pag-aaply ng trabaho sa ilalim ng programang ito.

“Ibig sabihin noong government-to-government, ang magkatransaksyon dito, gobyerno sa Saudi, gobyerno sa Taiwan, gobyerno sa Japan. Sila ‘yung meron tayong agreement,” aniya.

Mas mababa rin umano ang kinakailangang gastusing pera ng mga mag-aapply dahil walang kinakailangang bayarang placement fee.

“Wala itong placement fee kasi government to government. Pero of course, may gagastusin sila, ‘yung passport, kanilang mga medical, ‘yung mga documentary requirements at ‘yung processing (fee) na hindi naman napakalaki,” ani Sanchez.

Ang mga interesadong mag-apply ay kinakailangang bumisita sa website ng POEA at mag-fill up ng application form.

Matapos ito ay maari na nilang dalhin ang kanilang mga requirements sa opisina ng POEA.

Dagdag pa ni Sanchez, maari ring mag-apply sa mga placement agency para sa mga trabahong ito. Payo lamang niya na mag-ingat sa paghahanap ng mga agency.

“Itong agency, kailangan din naman na i-verify natin kung mayroong approved job order itong agency na nagre-recruit sa atin. Ito ay mache-check natin sa website ng POEA o pwedeng tumawag sa aming hotline,” aniya.

Maaring tawagan ang 24-hour hotline ng POEA sa 722-1144 at 722-1155.

 

(Source: ABS-CBN.com)

Back to top button

Adblock Detected

Please consider supporting us by disabling your ad blocker