Daan-daang OFW sa Kuwait, Kumagat sa Amnesty

Share on FacebookShare on Google+Tweet about this on TwitterEmail this to someone

Nasa 400 overseas Filipino workers (OFW) sa Kuwait ang nagdesisyong umuwi na lang at samantalahin ang amnesty period na ibinigay ng gobyerno ng Kuwait.

Halos lahat kasi ng mga OFW sa Shuaiba camp at Sulaibiya camp ng kompanyang Kharafi National sa Kuwait ay paso na ang visa habang ang iba naman ay wala pang sahod.

Kuwento ng OFW na si Allan Lariosa, wala na silang pambili ng pagkain dahil wala silang sahod.

Walong buwan namang hindi na nabibigyan ng visa ang OFW na si Romeo Subiga kaya nagpasya na lang itong umuwi.

Handa silang tulungan ng augmentation team ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), lalo at sa Pebrero 22 pa ang huling araw ng amnesty ng Kuwait para sa overstaying o undocumented na manggagawang Pinoy. 

Kumuha naman ang embahada ng Pilipinas at Philippine Overseas Labor Office ng abogado para makapag-file ng special power of attorney (SPA) ang mga uuwing manggagawang Pinoy. Sa ganitong hakbang nila makukuha ang kanilang mga benepisyo at sahod.

Pinirmahan ng higit 400 manggagawang Pinoy ng Kharafi National ang SPA para makauwi ng bansa at makapagsimula ng bagong buhay.

Sa mga pinirmahang SPA, tuloy ang kaso nila laban sa kompanya para makuha ang money claims kahit nasa Pilipinas na sila.

Para sa mga manggagawa ng Kharafi National, magbibigay ang OWWA ng libreng tiket pauwi ng Pilipinas hanggang sa mga lalawigan.

Makatatatanggap sila ng P5,000 cash relief assistance at P20,000 para makapagsimula ng negosyo.

Pero may ilang manggagawa pa rin na ayaw umuwi sa Pilipinas tulad ni Jonathan Mahilum.

Ayon sa kanya, hanggang Oktubre pa naman ang kaniyang visa kaya makikipagsapalaran na lang muna siya sa ibang kompanya.
 
Bukod sa mga OFW sa Kharafi National, aabot na sa 2,000 undocumented Pinoy ang nagpalista sa embahada para makakuha ng amnesty.

— Ulat nina Maxxy Santiago at Oman BaƱez, ABS-CBN News

 

(Source: ABS-CBN.com)

Print Friendly, PDF & Email