iDOLE Card Inilunsad sa Milan

Share on FacebookShare on Google+Tweet about this on TwitterEmail this to someone

Image Caption: Ibinahagi ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ang programa ng gobyerno, maging ang pagbubuo ng OFW Cluster sa gabinete, sa pulong niya kasama ang Filipino community sa Italy. Mye Mulingtapang, ABS-CBN Europe News Bureau

 

MILAN – Hindi na pipila pa ang mga overseas Filipino worker (OFW) para kumuha ng exit pass o Overseas Employment Certificate (OEC). 

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, tatanggalin na ito sa requirements para sa mga manggagawa sa ibang bansa kung uuwi sa Pilipinas o babalik sa kaniyang trabaho abroad. 

“Napakatagal niyo na pong sinasabi na tanggalin na ‘yung OEC dahil pahirap po ito, so ngayon po ‘pag nakuha na ‘yung OFW card ipapakita niyo lang sa immigration, hindi niyo na kailangang ng OEC,” sabi ni Cayetano.

Matagal nang hinaing ng mga OFW ang OEC kaya magandang balita ang pagkakaroon ng iDOLE card. Kilala rin sa tawag na OFW ID, maaari itong ipakita ng OFWs bilang pagkakakilanlan lalo na sa pagkuha ng kanilang mga benepisyo sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan. 

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, dapat mag-apply ang sinumang nagnanais magkaroon ng OFW ID sa iDOLE website.

“Mag-register lang sila sa mga POLO (Philippine Overseas Labor Office) offices. ‘Yung POLO ang magpapadala sa amin, gagawin namin ‘yung card nila at ipapadala muli sa kanila dito. Ang POLO ang magbibigay sa kanila,” sabi ni Bello.

Sinimulang ipamahagi ang iDOLE Card sa mga OFW sa pilot launch na ginanap sa Philippine Consulate General (PCG) sa Milan noong Enero 29. Pinangunahan ito ni Bello kasama si Labor Attachè Corina Buñag. 

Tanggap na tanggap naman ito ng mga OFW sa Milan. Gaya na lamang ni Rolando Villanueva na ilang taon nang OFW sa Italy.

“Napakalaking tulong niyan kasi wala nang hirap pagkukuha nung OEC sa online. Hindi makakuha, kawawa ‘yung mga tao. Pahirap talaga ‘yung OEC. Maganda ‘yung ginawa nila, ‘yung card na sinasabi na ‘yan. Sana maisakatuparan na para mabawasan na ang hirap ng mga OFW,” sabi ni Villanueva.

Dalawampung pre-selected OFWs sa Milan ang naunang nakakuha ng bagong iDOLE card.

Hinikayat ni Buñag ang agarang pagrehistro para malaman din ang mga benepisyo sa pagkakaroon ng iDOLE card.

“Pumunta po sa post, kami naman po sa POLO OWWA Milan at sa PCG, i-explain namin ang mga benefits nito, but definitely it will serve as OEC already,” sabi ni Buñag.

Mahigpit namang ipinaalala ni Bello na libre ang iDOLE card at walang kahit anumang dapat bayaran ang mga OFW na kukuha nito. Ito’y matapos maglaan ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng P50 milyong pondo para sa printing ng ID.

“Ang iDOLE card walang bayad ‘yan. Pag may humingi ng bayad, nandadaya ‘yun,” sabi ni Bello. 

Samantala, pinasalamatan din ni Cayetano ang mga OFW sa kanilang kontribusyon sa ekonomiya ng bansa.

“Because of your persistence and your sending hard earned euros, dollars, dirhams– you know, money from all over the world to the Philippines– finally po tuloy-tuloy ang pagtaas ng ating kita at ekonomiya ng ating bansa so maraming maraming salamat sa inyo,” sabi ni Cayetano.

Binanggit din ni Cayetano ang tungkol sa pagbubuo ng OFW cluster sa gabinete.

“We will recommend inter-agency para mapapatawag namin sa isang kuwarto ang LTO (Land Transportation office) [para sa] lisensya niyo, ang SSS (Social Security System) para sa inyong social security, OFBank (Overseas Filipino Bank) para sa inyong banking needs, tapos ‘yung PRC (Professional Regulation Commission) sa professionals sa abroad,” sabi ni Cayetano. — May ulat ni Jackie de Vega, ABS-CBN Europe News Bureau

 

(Source: ABS-CBN.com)

Print Friendly, PDF & Email