OFW na Natagpuang Patay sa Saudi, Hinihinalang Pinagnakawan

Robbery o pagnanakaw ang sinisilip na motibo sa pagpaslang sa Pinoy na natagpuang sinaksak sa loob ng kaniyang minamanehong sasakyan nitong Lunes ng gabi sa Makkah, Saudi Arabia.

 “Iyung kaniyang bangkay ay nakitang nakasubsob sa manibela ng van na kaniyang minamaneho, mga bandang alas-9 ng gabi,” pagkumpirma ni Edgar Badajos, Philippine consulate general sa Jeddah.

Ayon sa initial medical report na nakuha ng konsulado, may limang saksak sa katawan at duguan ang batok na tila pinalo sa likod ng ulo ang 53 anyos na overseas Filipino worker (OFW) na si Nasser Musa.

“I dispatched three of our staffs immediately na bumiyahe, kasi malapit lang naman, para tingnan. Pero pagdating nila doon ay naka-cordon na ‘yung crime scene,” ani Badajos.

Pitong taon na ring nagtatrabaho bilang isang merchandiser si Musa, na tubong Lanao Del Sur at may pamilya.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa kaso at nakatutok umano ang konsulado. 
 
“An investigation is ongoing. ‘Yung suspect ay nakuha na nga, under police custody na. Foreign national. But reportedly, merong mga kasama. At ang palagay kong motive doon sabi ng police ay robbery,” ani Badajos.

Samantala, duda umano ang pamilya na robbery lamang ang motibo sa pagpatay kay Musa. Para sa kanila, tila “pinagplanuhan” daw ito ng mga salarin.
 
Tiniyak naman ni Badajos na sisilipin ang lahat ng anggulo upang makamit ng pamilya ang hiling na hustisya.

“Nakahanda ang ating pamahalaan sa pamamagitan ng ating konsulado dito sa Jeddah para tulungan sila makuha ang hustisya.” 

–Ulat ni Charles Tabbu, ABS-CBN News

 

(Source: ABS-CBN.com)

Back to top button

Adblock Detected

Please consider supporting us by disabling your ad blocker