OFWs sa Sert, Libya Hirap pa ring Magpadala ng Pera sa Phl dahil sa Gulo

LAOAG CITY – Hanggang sa ngayon ay tila bangungot pa rin sa isang dating overseas Filipino worker (OFW) mula sa Sert, Libya ang kanyang naging karanasan sa naturang lugar.

Ayon kay Josue Retuta Borres Jr, tubong Magsingal, Ilocos Sur at nagtatrabaho bilang hemodialysis nurse sa Ibn Sina Teaching Hospital sa Libya, sinabi ito na sinamantala na lamang niya ang mandatory repatriation ng gobyerno upang makauwi na sa bansa noong Nobyembre 12 ngayong taon.

Sinabi ni Borres, baliw na lamang ang gustong bumalik pa sa Sert dahil sa sobrang kaguluhan sa lugar kung saan maliban sa halos araw-araw na bakbakan at bombahan ay madalas pa ang holdapan, pagnanakaw at iba pang karahasan.

Aniya, bago siya umuwi ay pinasok sila ng mga rebeldeng Libyans at kinuha ang kanilang pera at ilang gadgets at kung uuwi na sila sa kanilang mga trabaho ay kailangang may kasabay sila dahil sa mga nag-aabang na holdaper.

Sinabi pa ni Borres na bilang nurse ay nahihirapan din sila sa kanilang duty sa hospital dahil nagwawala ang kapamilya ng mga biktima ng bakbakan kung saan nagpapaputok sila sa loob ng bahay pagamutan at minsan ay may itinanim pang dalawang bomba sa emergency room ngunit mabuti na lamang at hindi sumabog.

Hanggang sa ngayon ay nahihirapan pa rin ang mga OFW sa Sert na magpadala ng pera sa kanilang pamilya sa Pilipinas dahil paminsan-misan lang na may nakabukas na bangko dahil sa nangyayaring holdapan.

(Source: Bombo Laoag)

Back to top button

Adblock Detected

Please consider supporting us by disabling your ad blocker