Paalala sa OFWs: Walang Placement Fees Patungong Australia, New Zealand

2015-0310 Paalala sa OFWs Walang Placement Fees Patungong Australia, New Zealand

MANILA, Philippines – Mahigpit na ipinaalala ng isang samahan ng nangangalap ng manggagawang Filipino patungong Australia at New Zealand na makipagkasundo lamang sa lisensiyadong recruitment agencies ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at iwasang makipag-usap sa mga tinaguriang “consultancy offices”.

Inihayag ng Australia and New Zealand Association of Employment Providers of the Philippines Inc., (ANZAEPP) na maraming job inquiries ang kanilang natatanggap matapos ihayag ng POEA ang no recruitment and placement fees policy para sa mga construction workers patungong New Zealand.

Nauna nang kinalap ang mga OFWs upang tumulong sa pagbabangon ng Christchurch area matapos itong gibain ng malakas na lindol. Ngunit, lumutang na tila bangungot ang masyadong mataas na placement fees, pagsingil ng di-awtorisadong bayarin tulad ng pasahe at immigration services, pagpapadala ng di-kuwalipikadong manggagawa, pag-abandona sa pagawaan at cross-employer transfer. Umaabot diumano sa $13,000 ang overcharging bawat manggagawa.

Matagal nang kinahaharap ng ANZAEPP ang isyu sa placement fee simula nang ipinatupad ito noong Abril 2013 habang binabalanse nito ang interes ng stakeholders at manggagawa, employer at pribadong recruitment agencies.

Nagkakasalungat naman ang pananaw ng mga miyembro nito kung paano mapapahusay at mapapabuti ang koleksiyon o hindi pagsingil ng recruitment at placement fees habang nasa proseso ng konsultasyon.

Ngunit nang ipatupad ng POEA ang patakaran sa no recruitment at placement fee, sinuportahan ito ng ANZAEPP. Pinatingkad ng ANZAEPP ang suporta nito sa patakaran ng POEA sa Memorandum Circular 9, na ipinalabas nitong 2014, na may nakatalang misyon na “maging boses ng industriya sa promosyon ng hanapbuhay para sa mga Filipino sa Australia at New Zealand” at magsilbing daluyan sa gobyerno upang panatilihin ang integridad ng merkado sa pamamagitan ng pagpapatupad ng patakaran na pangalagaan ang interes ng stakeholders.

Nagresulta ito ng mahabang deliberasyon sa iba’t ibang isyu na lubhang nakakaapekto sa New Zealand labor market, pag-aaral sa labor laws ng naturang bansa, konsultasyon sa POEA at pangunahing opisyal ng New Zealand, employers at OFWs na kasalukuyan nang nagtatrabaho sa Christchurch. (Salin ni Ernie Reyes, InterAksyon.com)

(Source: InterAksyon.com)

Back to top button

Adblock Detected

Please consider supporting us by disabling your ad blocker