Perang Pangnegosyo, Pagsasanay, Iba pa, Ayuda sa mga Umuwing OFW

Hindi maipinta ang tuwa sa mukha nina Charito Gonzales at Analyn Estan nang makabalik sila sa Pilipinas matapos magtrabaho bilang overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait.

Ilan lang sila sa daan-daang nabigyan ng amnestiya ng pamahalaan ng Kuwait para makauwi ng bansa.

Tatlong taon nagsilbing household worker si Gonzales pero kalaunan ay tumakas siya dahil maliit ang suweldong natatanggap kaysa sa napagkasunduan.

“Konting pagkakamali, lahat agad magsisigaw, buong araw na iyan galit sa ‘yo,” kuwento ni Gonzales. “Basura lang daw kaming mga katulong.”

Isang taon naman ang itinagal ni Estan dahil pinagtangkaan siyang halayin umano ng anak ng kaniyang amo.

Kaya hindi na sila nagdalawang isip pa nang mabalitaan ang amnesty program.

Kabilang sa mga tulong na handang ibigay ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga umuwing manggagawa gaya nina Gonzales at Estan ay ang programang “Balik Pinas, Balik Hanapbuhay.”

Ayon sa OWWA, hindi lang para sa mga galing Kuwait ang kanilang livelihood package assistance.

“Basta distressed workers, mainly ‘yong mga hindi nakatapos ng kontrata o kaya iyong mga nagka-problema doon habang nandodoon sila,” ani OWWA administrator Hans Leo Cacdac.

Kabilang sa ibang makatatanggap ng ayuda sa programa:

  • Mga manggagawang na-displace dulot ng giyera, pagbabago sa patakaran, o anumang kontrol ng gobyerno sa ibang bansa.
    • Mga biktima ng illegal recruitment o human trafficking.
    • Mga distressed na OFW sa Migrant Workers and Overseas Filipinos Resource Center (MWOFRC) dulot ng repatriation o pagpapauwi.

Sa ilalim ng programa, makatatanggap ang mga balik-Pilipinas na manggagawa ng P20,000 packaged assistance, techno-skill livelihood at entrepreneurship development training, starter kits, goods, at iba pang serbisyo.

“Mayroon silang isa-submit na business plan, kung anuman ang project nila … ito ay ilalaan nila sa negosyong isinubmit nila,” ani Cacdac. 

Pasok pa rin sa programa ng OWWA ang mga OFW na nasa Pilipinas kahit tatlong taon na ang nakalilipas mula nang umuwi.

Maaaring tumungo sa mga tanggapan ng OWWA para sa iba pang detalye.

— Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

 

(Source: ABS-CBN.com)

Back to top button

Adblock Detected

Please consider supporting us by disabling your ad blocker