Terror Threat sa UK, Itinaas na sa ‘Critical’ Level

Walang Pilipino na sugatan sa pagsabog sa tube train station sa London nitong Biyernes, pero pinag-iingat pa rin ang lahat, lalo na’t itinaas na ng pamahalaan ang terror threat sa pinakamataas na antas. 

Pasado alas-8 ng umaga o kasagsagan ng rush hour nitong Biyernes nang sumabog ang improvised explosive device sa isang subway car sa Parsons Green kung saan umakyat na sa 29 ang bilang ng mga sugatan.

Itinaas na ni British Prime Minister Theresa May ang United Kingdom (UK) terror alert level sa “critical.”

Ibig sabihin nito, may posibilidad na may susunod pang pag-atake.

Balot naman ng takot ang ilang Pinoy na nagtatrabaho sa residential area ng Parsons Green pero kailangan anila ituloy ang buhay.

“Nakakatakot na ito. You don’t expect it… Kahit sabihin mong vigilant, ‘di mo alam,” ani Marie Gonzales, overseas Filipino worker (OFW) sa London.

Inako ng grupong Islamic State (ISIS) ang pagsabog, at naiulat ng mga mamamahayag na tukoy na kung sino ang suspek. Patuloy ang imbestigasyon kung paano siya nakapasok ng istasyon.
    
Ito na ang ikalimang pagkakataon na ginulantang ng terror attack ang UK ngayong taon.

Itinodo na naman ang seguridad sa bansa matapos ang pagsabog sa Parsons Green.

— Ulat ni Rose Eclarinal, ABS- CBN News

 

(Source: ABS-CBN.com)

Back to top button

Adblock Detected

Please consider supporting us by disabling your ad blocker