ALAMIN: Iba’t Ibang Modus ng mga Kawatan

Kamakailan ay naging laganap ang mga insidente ng budol-budol.
Sa katunayan, milyon-milyon na ang nakukuha mula sa mga biktimang senior citizen at dating overseas Filipino workers ng mga kawatang hinihinalang nasa iisang grupo lamang.
Kaya’t nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na maging maingat sa iba’t ibang modus o paraan ng pambibiktima, lalo sa mga pampublikong lugar.
Ayon kay PNP spokesman Senior Superintendent Dionardo Carlos, dapat laging alerto at may kamalayan sa paligid upang hindi mabiktima ng mga masasamang loob.
“Kapag hindi tayo alerto’y nagbibigay tayo ng oportunidad doon sa kriminal na tayo’y mabiktima,” ani Carlos nitong Huwebes sa programang ‘Sakto’ ng DZMM.
Nagbahagi rin si Carlos ng ilang estilo ng mga kawatan:
BARAHA GANG
Kadalasang nangyayari ang modus ng ‘Baraha Gang’ sa mga restoran, supermarket, at shopping mall na isinasagawa ng mga waiter o cashier.
Biktima naman ang mga taong gumagamit ng credit card.
Kapag naibigay ng biktima ang credit card, isa-swipe ito ng kawatan sa isang device o aparato upang makuha ang impormasyon ng biktima na nakapaloob sa card.
Payo ni Carlos, ugaliing bantayan ang gastusin sa credit card upang malaman kung may maanomalya bang transaksyon.
BESFREN GANG
Biktima ng ‘Besfren Gang’ ang mga tindahan at ang mga mamimili.
Didikit-dikit ang kawatan sa mamimili upang magmukhang kakilala o kaibigan nito ang mamimili.
“Ang dating ay ‘yong nambibiktima, you know each other. Sa mata ng publiko, parang magkaibigan kayo,” paliwanag ni Carlos.
Kapag may tinitingnan produkto ang mamimili, kadalasa’y mga alahas o electronic device, hihiramin ito bigla ng kawatan.
Sa pagkakataong mawala na ang pansin ng mamimili, itatakbo na ng kawatan ang produkto ng tindahang tinitngnan ng mamimili.
Dahil mukhang kaibigan ng kawatan ang mamimili, mapagkakamalan ng may-ari ng tindahan na kasabwat ang mamimili.
DURA BOYS
Isinasagawa ng dalawa hanggang tatlong magkakasabwat ang modus na ‘Dura Boys’.
May isa sa mga kawatan na lalapit sa biktima at sasabihing may dumura sa likuran o manggas ng kaniyang damit.
Dahil nakatuon ang pansin sa pagtingin o pag-alis ng dura sa damit, sasalakay ang ibang kawatan upang nakawin ang cellphone o wallet ng biktima.
Click on link to view video: http://news.abs-cbn.com/news/11/17/17/alamin-ibat-ibang-modus-ng-mga-kawatan
(Source: ABS-CBN.com)