An Open Letter to Filipinos in Iraq

The Philippine Embassy in Baghdad on Friday reiterated its call for Filipinos to leave war-torn Iraq amid continuing terrorist attacks.

Here is the embassy’s open letter published on Facebook:

Philippine Embassy Baghdad added 3 new photos.

Bukas na Liham Para sa Ating Mga Kababayan sa Iraq

Mga Minamahal Naming Kababayan,

Noong ika-29 ng Mayo, dalawang car bombs ang sumabog sa dalawang malaking hotel dito sa Baghdad. Ilan po sa ating mga kababayan, kabilang na po ang inyong lingkod, ang muntik nang mapabilang sa mga nasawi o nasugatan sa naturang pangyayari.

Hindi po ito ang kauna-unahang insidente ng terorismo na kung saan nanganib ang buhay ng ating mga kapwa Pilipino dito sa Iraq. Noong ika-5 ng Mayo, isang car bomb ang sumabog sa harapan ng isa ring hotel ilang minuto lamang matapos makaalis patungo sa kanilang pinagtratrabahuan ang ilan sa ating mga kababayan.

Halos araw-araw po ang mga nagaganap na pagsabog at ibang insidente ng karahasan dito sa Baghdad at mga karatig na pook. Ayon sa United Nations, mahigit 1,000 na sibilyan ang nasawi at 1,600 ang nasugatan sa mga insidente ng karahasan sa buwan ng Mayo lamang. Marami sa atin ang hindi nakakaalam nito dahil hindi na po ito nailalathala sa mga pahayagan.

Sa hindi kalayuan, patuloy ang malawakang operasyong militar para mabawi ng pwersa ng pamahalaan ang lalawigan ng Anbar mula sa Islamic State na sumakop dito noong nakaraang buwan. Mahigit isang oras lamang po ang layo ng Ramadi, ang kabisera ng Abar, mula sa Baghdad.

Ang patuloy na karahasan ang pangunahing dahilan kung bakit kami po dito sa Embahada ay nangangamba para sa kaligtasan ng mahigit na 1,500 na kababayan natin sa Iraq, lalong-lalo na po ang mga humigit kumulang na 350 na Pilipino sa Baghdad.

Alam po nating lahat ang mga panganib na nakaakibat sa pagtratrabaho at pagtira dito. Kaya hinihikayat po namin kayo na habang maaga ay lumahok sa repatriation program ng ating Pamahalaan para mailikas namin kayo at maiuwi ng maayos sa lalong madaling na panahon.

Alam din po natin na ilan sa ating mga kababayan dito ang ayaw pang lumikas at handang humarap sa mga peligro dito para masustentuhan at matulungan ang kani-kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas. Ang desisyong ito ay aming nauunawaan at ginagalang. Manatiling handa na lamang po tayo at laging maging maingat. Makakaasa po kayo na handa ang inyong Embahada na tumulong sa inyo sa panahong kayo ay magpasyang umuwi.

Nananawagan po uli kami sa lahat ng ating kababayan dito sa Iraq na magparehistro sa Embahada para maisama po namin kayo sa aming database. Kailangan po namin ang inyong mga contact details para mapadali po ang pagpapaabot namin sa inyo ng mahahalangang inpormasyon lalo na sa panahon ng krisis.

Maari po kayong pumunta sa aming website: philembassybaghdad.wordpress.com para makarehistro online. Hinihikayat din po namin kayo na idownload mula sa Google Play Store at Apple App Store ang aming libreng mobile app Radyo Tambuli at sundan po kami sa Facebook at Twitter.

Makakaasa po kayo na mananatiling bukas ang pinto ng inyong Embahada para kayo ay matulungan at mapaglingkuran. Maraming salamat po.

Sumasainyo,

ELMER G. CATO
Chargé d’Affaires, e.p.
Embahada ng Pilipinas sa Baghdad

Ika-5 ng Hunyo 2015

2015-0607 An Open Letter to Filipinos in Iraq

2015-0607 An Open Letter to Filipinos in Iraq2

2015-0607 An Open Letter to Filipinos in Iraq3

(Source: ABS-CBNnews.com)

Back to top button

Adblock Detected

Please consider supporting us by disabling your ad blocker