Arnell Ignacio, Ipinaliwanag ang Kaniyang Posisyon sa OWWA para Matulungan ang mga OFW

Mula sa Philippine Gaming Corporation (PAGCOR), nalipat ang television personality na si Arnell Ignacio sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kung saan isang bagong posisyon ang ginawa para sa kaniya. 

Sa programang “Bawal Ang Pasaway” ni Mareng Winnie Monsod, ipinaliwanag ni Arnell ang kaniyang mga plano at nais gawin para matulungan ang mga overseas Filipino worker.

Kung dati ay dalawa lang ang deputy administrator ng OWWA, ngayon ay tatlo na ito matapos na hiranging Deputy Administrator for Media Affairs si Arnell.

Paliwanag niya, isa sa mga nais niyang gawin ay maging tulay para madaling maipaliwanag at maiparating sa mga OFW ang mga ginagawa at polisiya ng OWWA.

Iginiit niya ang pangangailangan na mapahusay ang pakikipagkomunikasyon ng ahensiya sa mga migranteng manggagawa.

“You’re talking with OFWs and everybody talks like talking to a lawyer. Madalas hindi maintindihan ng OFW yung kanilang pinag-uusapan. And kung ano rin ang ginagawa policies ng OWWA wala rin masyadong nakakaalam,” paliwanag niya.

Binigyan-diin niya na ang lahat ng ginagawa ng ahensiya at dapat malaman ng publiko, lalo na ang mga OFW.

“I would like to believe na ang napupunan kong puwang dito ay ‘yung pag-connect sa kanila. Everybody here wants to have, everybody here, unquestionable ‘yan, although marami lang naiintriga hindi sila natulungan, pero how to translate that intention into action, and to something that OFWs understand, ‘yun ang malaki ang kulang,” paliwanag niya.

Nais din umano ni Arnell na magkaroon ng mas madaliang paraan ng pakikipag-ugnayan sa mga nangangailangang OFW sa pamamagitan ng social media, partikular ang Facebook.

“That’s why I created this page, DA Arnell Ignacio OFW Page, kaya ngayon, malapit nang mag-crash ang line ko sa dami,” saad niya.

Sinabi ni Arnell na mahal niya ang kaniyang trabaho at malapit din umano kay Arnell ang mga OFW dahil nagtatrabaho rin sa labas ng bansa ang kaniyang life partner.

Panoorin ang buong panayam ni Mareng Winnie kay Arnell sa video na ito:

 

(Source: GMAnetwork.com)

Back to top button

Adblock Detected

Please consider supporting us by disabling your ad blocker