OFWs sa Saudi Arabia, Nakiramay at Nagpasasalamat sa Namayapang Hari
Ilang oras matapos inanunsyo ang pagkamatay ni King Abdullah bin Abdulaziz ng Saudi Arabia noong nakaraang Biyernes, bumuhos agad ang pakikiramay mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo, pati na sa mga overseas Filipino workers na naghahanapbuhay sa bansa.
Ayon sa ilang OFW na nakausap ni Ronaldo Concha, GMA News Online stringer sa Saudi Arabia, marami sa kanila ang natulungan ng hari noong nabubuhay pa ito, mula pa nang mahirang siya bilang hari ng Kingdom of Saudi Arabia (KSA) noong 2005.
Pagbabahagi ni Jeffrey Estrada, isang Filipino Community leader sa KSA na siyam na taong naging “undocumented” sa bansa, “Napakabait ni King Abdullah, isang magandang pagkakataon ang ipinagkaloob niya sa mga tulad kong nagkaroon ng problema sa mga dokumento. Salamat po sa inyo at ako at ang iba pa naming mga kababayan na nagkaroon ng problema ay naging maganda na ang sitwasyon ngayon.”
Dahil umano sa amnesty na ipinagkaloob ng hari, naitama na ng mga tulad niyang “undocumented workers” ang kanilang mga papeles at nakapagtrabaho ng ng maayos, legal, at walang pangamba.
Gayundin ang nangyari sa OFW na si Nap Awitin, na natulungan ng pamumuno ni Abdullah upang magkaroon ng pagkakataong makauwi sa Pilipinas matapos ang limang taong pagiging TNT (tago ng tago) o ilegal na manggagawa sa KSA, ayon kay Concha.
Bukod sa mga undocumented workers at TNT, nakapagbigay rin umano si Abdullah ng pagkakataon para sa mga propesyunal na dayuhang manggagawa, ayon kay Fred Garces.
Nabigyan si Garces ng oportunidad na makapagtrabaho sa King Abdullah University of Science & Technology, pati na ang marami pang manggagawa at propesyunal mula sa iba’t ibang bansa.
“Ang kabaitang ipinakita ni King Abdullah ay hinding-hindi malilimutan ng ating mga kababayan tulad ko na itinuring ko nang pangalawang tahanan ang bansang ito,” aniya.
Namatay si Abdullah noong Biyernes sa edad na 90 matapos ang pakikipaglaban sa sakit na pneumonia.
Agad itong inilibing noong araw ding iyon at nakalagak ang mga labi nito sa isang “unmarked grave” bilang pagbibigay respeto sa tradisyon ng mga Muslim.
(Source: Bianca Rose Dabu/LBG, GMA News)