Pinay OFW sa Kuwait Tinulungan ng mga Kababayan para Makauwi
Bayan Mo, iPatrol Mo
Posted at 05/14/2015 9:14 PM
Jovelyn Alfaro Posas
Isang Bayan Patroller ang nagmagandang-loob na tumulong sa isang overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait na pinauwi ng kanyang amo sa Pilipinas noong Mayo 7, 2015.
Kwento ni Patroller Ian Bon Borlagdan, inihatid nya sa airport ang kanyang ina na pabalik ng Pilipinas.
Pagdating sa airport ay nakita nya si Jovelyn Alfaro Posas na nakatayo sa isang sulok, naka-uniporme ng pang-housemaid, kasama ang isang Arabo. Tikom ang bibig ni Jovelyn at tila hindi makapagsalita.
Pagkatapos asikasuhin ng among Arabo ang mga papeles ay ini-abot na nya ito kay Jovelyn at lumabas na ito ng departure area ng airport.
Dito na nagkaroon ng pagkakataon si Ian na lapitan si Jovelyn at dito niya napag-alaman na iniinda nito ang masakit nyang likod at tuhod at paa ng mga oras na iyon kung kaya’t nakatayo lamang sya at hindi makalakad.
Agad namang kumuha ng wheel chair si Ian at inaalalayan si Jovelyn.
Ayon kay Jovelyn, wala syang kapera-pera ng mga oras na iyon at hindi nya rin alam na pauuwiin sya ng kanyang amo sa Pilipinas noong araw na iyon.
Dagdag pa nya, mismong amo nya pa ang nag-impake ng kanyang mga bagahe.
Nilapitan ni Ian ang amo ni Jovelyn na nagmamasid sa labas ng departure area at tinanong kung ano ang nangyari kay Jovelyn.
Sagot naman ng kanyang among Arabo, hindi nya daw nagustuhan ang pagtatrabaho ni Jovelyn kung kaya’t pinauwi nya ito.
Sinubukan nya ring tanungin ang Arabo kung bakit walang dalang pera si Jovelyn.
Sagot naman ng Arabo, buwan-buwan raw kasing ipinapadala ni Jovelyn ang kanyang pera sa Pilipinas.
Bukod kay Ian ay ilang Pinoy din ang nagpaabot ng tulong pinansyal kay Jovelyn upang may panggastos sya pagbalik sa Pilipinas.
Bago umalis si Ian ay ibinilin pa niya si Jovelyn sa mga kababayang kasabayan ni Jovelyn sa flight.
Noong Mayo 8, Biyernes ay nakauwi na ng Pilipinas si Jovelyn at laking pasasalamat naman ang kanyang kapatid na si Irene Alfaro Posas sa lahat ng taong nagpaabot ng tulong kay Jovelyn habang papauwi ng Pilipinas.