Pamilya ng Isa Pang Pumanaw na OFW Mula sa Kuwait, Nanawagan ng Hustisya

Hustisya ang panawagan ngayon ng naiwang pamilya ng isa pang overseas Filipino worker (OFW) mula sa Kuwait.

Umuwi sa bansa ang OFW na si Josie Lloren nitong Enero 26, at ikinagulat ng kaniyang pamilya kung bakit siya pinauwi nang mayroon umanong iniindang malalang karamdaman.

 Agad isinugod ng pamilya Lloren ang OFW sa isang ospital sa Caloocan. Pumanaw ang OFW matapos ang halos dalawang linggo sa ospital.

Batay sa death certificate, cardiorespiratory arrest secondary to cerebrovascular disease ang sanhi ng pagkamatay ni Lloren.

Paniwala ng isang nakatatandang ate ni Lloren, may kinalaman sa pagkamatay ni Lloren ang isinumbong ng OFW na pang-aabuso ng misis ng kaniyang amo sa Kuwait.

Pinagbintangan daw kasi ng misis ang OFW na may relasyon umano sa amo.

Nagsumbong daw ukol sa pang-aabuso si Lloren sa kaniyang kapatid sa pamamagitan ng social media noong Nobyembre.

Iyon na rin daw ang huling beses nilang nakausap si Lloren bago ang biglang pag-uwi niya nitong Enero.

Gustong malaman ng mga naulila ni Lloren kung ano’ng tunay na sinapit ng OFW sa Kuwait at kung bakit hindi siya nagamot doon.

“Kasi ‘yong pag-uwi niya, hindi namin alam talaga kung ano ‘yong nangyari doon sa Kuwait. Natanggap naman na namatay siya; ang aming hindi matanggap na hindi namin alam kung ano’ng dahilan,” ani Joel Perez, Sr., kapatid ni Lloren.

Nais din ng kaniyang pamilya na malaman kung bahagi si Lloren ng grupo ng OFW na nakauwi sa pamamagitan ng amnesty program ng gobyerno.

Taong 2015 nang magtrabaho sa Kuwait si Lloren para tustusan ang tatlong anak sa Davao City.

— Ulat ni Marty Go, ABS-CBN News

 

(Source: ABS-CBN.com)

Back to top button

Adblock Detected

Please consider supporting us by disabling your ad blocker